Vice Mayor Ruanto may legal na basehan para umakto bilang pansamantalang mayor ng Infanta, Quezon ayon sa DILG
Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Region IV-A na may legal na basehan ng pag-akto bilang pansamantalang alkalde ni Vice Mayor LA Ruanto sa Infanta matapos patawan ng apatnapu’t limang (45) araw na preventive suspension si Mayor Filipina Grace America ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon.
Sa kabila ng kautusan na inilabas sa pamamagitan ng Memorandum Order No. 427 series of 2024 ni Governor Doktora Helen Tan base sa Sangguniang Panlalawigan Provincial Resolution No. 2024-295 ay tumanggi si Mayor America na sundin ang kautusan na pansamantalang bumaba sa pwesto dahil umano sa sariling interpretasyon mula sa kanyang abogado.
Dahil dito, nagkaroon ng kalituhan para sa mga mamamayan at hindi maayos na operasyon sa munisipyo dahil umakto namang pansamantalang punong bayan si Vice Mayor Ruanto.
Upang humiling ng patnubay at paglilinaw, agad na sumulat si Ruanto sa DILG Region IV-A kung sino sa pagitan niya at ni America ang dapat mag-assume na punong ehekutibo dahil sa ipinataw na preventive suspension order kay America.
Sa liham na ipinadala ng DILG Region IV-A, idinitalye dito kung bakit si Ruanto ang may legal na karapatang umaktong pansamantalang punong bayan dahil sa pagkakabakante ng naturang posisyon dahil sa pagkakasuspende ni America sa loob ng apatnapu’t limang (45) araw base sa itinatadhana ng Local Government Code.
Sa pagkakasuspende umano ni America, pinagbabawalan siyang gampanan ang kanyang tungkulin bilang punong bayan hangga’t hindi natatapos ang preventive suspension na ipinataw sa kanya. At ang naturang preventive suspension ay upang maiwasang maapektuhan o maimpluwensyahan ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa reklamong isinampa sa kanya.
“In all cases of preventive suspension, the suspended official is barred from performing the functions of his office and does not receive salary in the meanwhile, but does not vacate and lose title to his office; loss of office is a consequence that only results upon an eventual finding of guilt or liability.’ Its very purpose is to prevent the respondent from influencing possible witnesses and pose a threat to the integrity of evidence that can be used against her.”
Matatandaan, pinapatawan ng apatnapu’t limang (45) araw na preventive suspension si America kaugnay ng Administrative Case No. 2024-04 na isinampa nina Konsehal Mannie America, Konsehal Sherwin Avellano at Konsehal Kirk Gurango na Grave Misconduct in Office, Dereliction of Duty under Section 60 (c) at Grave Abuse of Authority under Section 60 (e) ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991 dahil sa paglabag ni America makaraang bingyan ng business permit ang isang sabungan sa kabila ng walang prangkisa na dapat ay aprubado ng Sangguniang Bayan (SB).