Banta ni VP Sara sinagot na ni Pangulong Marcos
Nagsalita na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa banta ni Vice President Sara Duterte na ipapatay siya kasama sina First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa pangulo, nakababahala ang mga pahayag ni Duterte.
“Kung ganun na lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang Presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwan na mamamayan? Yang ganyang krimimal na pagtatangka ay hindi dapat pinapalampas,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Bilang isang demokratikong bansa, dapat ay panatilihin ang Rule of Law.
Bilang pangulo aniya, ang executive department, at lahat ng mga nanunungkulan sa pamahalaan, ay may sinumpaang tungkulin na tutupdin at pangangalagaan ang Konstitusyon at ang mga batas.
Sabi ni Pangulong Marcos, kung sinagot lang sana ni Duterte ang mga tanong ng mga mambabatas kung paano niya ginastos ang confidential funds ng kanyang tanggapan, hindi na sana hahantong sa ganitong drama.
Ayon kay Pangulong Marcos, tapos na sana ang usapang ito kung tutuparin lamang ang sinumpaang panata na bilang lingkod-bayan ay magsabi ng totoo.
Imbes aniya na diretsang sagutin ang mga paratang ay inilihis pa sa kwentong tsitsirya.
Hangad ni Pangulong Marcos na matuldukan na itong mga pangyayaring ito sa paraang matiwasay at magdadala sa katotohanan.
Sa kabila ng mga batikos, sinabi ni Pangulong Marcos na katuon pa rin ang kanyang atensyon sa pamamahala sa bansa.
“Ngunit hindi natin iko-kompromiso ang Rule of Law. Kailangan manaig ang batas sa anumang sitwasyon, sinuman ang tamaan. Kaya hindi ko hahayaang mag tagumpay ang hangarin ng iba na hatakin ang buong bansa sa burak ng pulitika,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Igalang natin ang proseso. Tuparin natin ang batas. Alalahanin natin ang mandato na pinagkatiwala sa atin ng milyong-milyon na Pilipino. Magtrabaho po tayo sa ikauunlad ng Republika ng Pilipinas at para matamo ang Bagong Pilipinas,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Pangulong Marcos matapos ang banta ni Duterte. (CY)