300 pang PDLs ng Bilibid inilipat sa kulungan sa Occidental Mindoro

300 pang PDLs ng Bilibid inilipat sa kulungan sa Occidental Mindoro

Bilang pagtalima sa kautusan ni Department of Justice Secretary Crispin Remulla na pagsama-samahin ang lahat ng individuals deprived of liberty na sangkot sa mga kaso ng iligal na droga sa isang Supermax facility, ipinalipat ng Bureau of Corrections ang 300 pang persons deprived of liberty (PDLs) mula sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City patungong Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ang inisyal na plano ay ilipat sana ang 100 PDLs sa Sablayan facility nitong nakaraang linggo subalit ipinagpaliban ito dahil sa bagyo at sa rekomendasyon na rin ng Philippine Coast Guard na hinting gumanda ang condition ng panahon upang magarantiya angkaligtasan ng PDLs sa panahon ng kanilang biyahe.

Inihayag ni Catapang na inilipat ang PDLs gamit ang sampung (10) commercial buses sa ilalim ng superbisyon ng 90 staff members kasama na rito ang BuCor SWAT teams, medical personnel, at escort team bukod pa rito ang pag-asiste ng Philippine National Police (PNP) ng Muntinlupa, SLEX at STAR Toll Highway Patrol units.

Binigyang-diin ng BuCor chief na ang paglilipat ng PDLs ay parte ng BuCor sa pinaigting nitong anti-illegal drug campaign na naaayon sa “bloodless drug campaign” ng administrasyon.

Sa relokasyon ng PDLs sa Sablayan, ipagbabawal naman ng BuCor ang paggamit ng cellphones sa lahat ng Commissioned Officers, Non-Commissioned Officers, civilian staff, visitors, at sino mang papasok sa bisinidad ng National Headquarters-BuCor Offices, New Bilibid Camps, at mga operational prisons and penal farms (OPPFs) sa bansa.

Mabusisi o mahigpit na inspeksiyon ang ipatutupad sa lahat ng all entry at exit points ng OPPFs upang pigilan ang pagpupuslit ng cellular devices.

Inatasan na rin ni Catapang ang kanyang superintendents na magsagawa ng regular na inspeksiyon sa mga pasilidad kasama ang pagsusuri sa mga prison dormitories at workspaces na inuukopahan ng BuCor personnel para matukoy ang ano mang ipinagbabawal na gamit.

Noong 2023 pa naglilipat ang BuCor ng PDLs ng Bilibid patungo sa mga OPPFs na layuning paluwagin ang siksikan sa NBP at paghahanda na rin sa planong pagsasara ng kulungang ito sa taon 2028. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *