Supplementary meals ng PDLs sa Bilibid at Correctional sasagutin ng San Miguel Corporation hanggang 2027
Inalok ng San Miguel Corporation sa pangunguna ni business magnate Ramon Ang, ng supplementary meals ang persons deprived of liberty mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City at sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City simula ngayong Nobyembre 2024 hanggang Disyembre 2027.
Ito ay sa pamamagitan ng tripartite memorandum of agreement na nilagdaan sa pagitan nina Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., San Miguel Foundation Inc. (SMF), ang corporate social responsibility arm ng SMC na kinatawan ni Executive Director Maria Raquel Paula Lichuaco at Philippine Jesuit Prison Service Foundation Inc. (PJPS) Fr. Firmon Bargayo Jr. , sa simpleng seremonya sa Bucor Headquarter sa Muntinlupa City.
Sinabi ni Catapang na ang layunin ng kasunduang ito ay upang garantiyahan ang transparent at epektibong pamamahagi ng donasyong pagkain sa mga PDLs sa mga ligtas na erya sa NBP at CIW habang ipinapatupad ang mataas na pamantayan ng accountability at resource management.
Sinisiguro din aniya ang sistematiko at koordinadong hakbang upang mapaganda ang nutrisyong makukuha ng PDLs na malakas na nakatuon sa seguridad at kapakanan ng mga benepisyaryo.
“This partnership marks a significant commitment to providing supplemental food for the next three years, ensuring that those under our care receive not only adequate nutrition but also a sense of dignity,” pahayag ni Catapang.
Idinagdag nito na ang BuCor ay patuloy sa ginagawang rehabilitasyon at reintegrasyon ng PDL sa ating lipunan at tiwala siya na mahalaga ang pagpapabuti sa katawan para sa lalong pag-asa at kagalingan.
Taos-pusong pinasasalamatan ni Catapang ang SMC dahil sa kanilang dedikasyon sa pagtulong at kumpiyansa ang opisyal na ang kolaborasyong ito ang magsisilbing daan para sa positibong pagbabago sa loob ng dalawang correctional facilities.
Sa ilalim ng MOA, responsable ang Bucor at PJPS sa distribusyon ng mga pagkain.
Ngayong Disyembre 2024, pinaplano ng SMF na magdonate ng P10,000,000 na halaga ng San Miguel Foods Christmas products para sa PDLs sa mga ligtas na erya ng NBP at CIW. (Bhelle Gamboa)