Bahagi ng Tuguegarao City sa Cagayan binaha dahil sa pagtaas ng water level sa Cagayan River
Binaha ang ilang bahagi ng Tuguegarao City sa lalawigan ng Cagayan dahil sa pagtaas ng water level sa Cagayan River.
Ito ay kasunod ng pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam dahil sa naranasang pag-ulan nitong nagdaang mga araw.
Sa mga larawang ibinahagi ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting Que, maraming lugar sa lungsod ang nakaranas ng pagbaha.
Kabilang sa binaha ang Balzain East Elementary School, Linao West Bridge, bahagi ng Caritan Norte.
Ayon kay Que, alas 7:00 ng umaga ng Martes (Nov. 19) ay nasa 11.5 meters na o nasa critical level na ang water level sa Buntun Bridge sa Cagayan.
Nananatiling suspendido ang face-to-face classes mula Kingdergarten hanggang Grade 12 sa lahat ng public schools sa lungsod.
Ipinaubaya naman sa school heads ang pagsuspinde ng klase para sa mga pribadong paaralan at tertiary level. (DDC)