Opisyal ng LTO sa Oriental Mindoro sugatan sa pamamaril ng sinitang rider
Kinondena ng Land Transportation Office (LTO) ang pamamaril sa isang opisyal ng LTO Distric Office sa Calapan, Oriental Mindoro.
Ayon sa LTO, pinangunahan ni Calapan District Office Assistant Chief Gerardo H Garcia ang operasyon laban sa mga hindi rehistradong sasakyan sa lugar.
Isang rider na sinita at bigong makapagpakita ng OR/CR ng kaniyang motorsiklo ang pinagbabaril si Garcia sa bahagi ng Barangay Canubling I noong Huwebes, Nov. 7.
Nagtamo ng tama ng mga bala sa kaniyang katawan ang opisyal at nagpapagaling ngayon sa ospital.
Mayroon ding dalawang bystanders ang tinamaan ng ligaw na bala.
Base sa inisyal na impormasyon ng pulisya sa Calapan, nakilala ang suspek sa pamamaril na si Alvin Roldan Salazar.
Tiniyak naman ni Mendoza sa pamilya ni Garcia na gagawin ang lahat para mahuli at makulong ang tumakas na suspek.
Tutulong din ang LTO sa gastusin sa pagpapagamot ni Garcia. (DDC)