2 batas na magsusulong ng karapatan ng Pilipinas sa Maritime Zones, nilagdaan ni Pang. Marcos
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Philippine Maritime Zones o ang ang Republic Act No. 12064 at Philippine Archipelagic Sea Lanes o ang at Republic Act No. 12065 bilang mga bagong batas.
Nakasaad sa Philippine Maritime Zones Act ang pagtatakda ng partikular na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas, kasama na ang karagatang maituturing na bahagi pa rin ng bansa.
Layon nitong mapalakas ang claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea at iba pang may territorial disputes.
Layunin naman ng Philippine Archipelagic Sea Lanes Act na magkaroon ng
sistema ng sea lanes o ruta sa mga dagat ng Pilipinas na maaaring daanan ng mga dayuhang sasakyang pandagat.
Sa tulong nito ay mamo-monitor ang galaw ng mga dayuhang sasakyang pandagat at panghimpapawid sa bahagi ng teritoryo at mas mapapalakas ang awtoridad na paalisin sila kung maikokosiderang banta sa bansa.
Sa kanyang talumpati, binigyang diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng dalawang bagong batas na aniya’y nagtutugma ng mga batas sa bansa sa United Nations Convention on the Law of the Sea at iba pang international laws.
Pagpapakita rin aniya ito ng pagiging responsableng miyembro ng international community at pagsusulong ng rules-based international order.
Sabi pa ni Pangulong Marcos na isang hakbang rin ito para maprotektahan ang maritime resources at ingatan ang kalikasan. (CY)