Mahigit 1.2 million na family food packs naipamahagi na ng DSWD sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine at Leon
Umabot na sa 1,228,827 ang kabuuang bilang ng family food packs (FFPs) na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang nakaranas ng hagupit ng Bagyong Kristine at Super Typhoon Leon.
Ayon sa DSWD,ang mga food packs ay naipaabot sa mga pamilyang nasalanta sa mga rehiyon ng Bicol, CALABARZON, Central Luzon, Eastern Visayas, Cagayan Valley, Ilocos, NCR, MIMAROPA, Cordillera Administrative Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, Caraga, Davao, Central Visayas, at BARMM.
Ang rehiyon ng Bicol ang tumanggap ng pinakamaraming food packs na umabot na sa mahigit 488,000.
Kasunod ang Calabarzon na tumanggap ng mahigit 162,000 food packs.
Samantala, tiniyak ng DSWD na mayroong nakahandang mahigit 1.3 million na food packs para sa mga maaapektuhan ng Typhoon Marce.
Sinabi ng ahensya na agad itong ipamamahagi sa mga maaapektuhang LGUs. (DDC)