Lisensya ng driver ng SUV na gumamit ng plakang 7 sa EDSA Busway, kinumpiska na ng LTO
Iniharap sa media ng Land Transportation Office (LTO) ang driver ng sports utility vehicle (SUV) na may protocol plate number “7” at ilegal na dumaan sa EDSA Busway.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang driver na nakilalang si Angelito Edpan at ang kulay puting Cadillac Escalade ay nakarehistro sa Orient Pacific Corporation.
Bago ang pagharap sa LTO, tumawag na sa ahensya ang driver noong Martes (Nov. 5) at sinabing haharapin nito ang insidente.
Unang nag-viral ang video ng pagdaan ng nasabing SUV sa EDSA Busway at nang sitahin ito ng mga otoridad ay tumakas ang driver.
Dahil nasa 100 lamang naman ayon kay Mendoza ang bilang ng Cadillac Escalade na sasakyan sa bansa, at 20 lamang ang kulay puti nito, agad nagsagawa ng tracing ang LTO nang mabatid nila ang insidente.
Ayon kay Mendosa, kinumpiska na ng LTO ang driver’s license ni Edpan at inisyuhan ng traffic violation ticket.
Sa nasabing press conference, humarap din ang kinatawan ng Orient Pacific Corporation na si Omar Guinomla, at kinumpirmang ang naturang saskayan ay pag-aari ng kanilang kumpanya. (DDC)