Bagyong Marce posibleng maging typhoon; Signal No. 4 itataas sa mga maaapektuhang lugar
Lumakas pa ang bagyong Marce habang kumikilos sa bahagi ng Philippine Sea.
Ang Tropical Storm Marce ay huling namataan sa layong 775 kilometers East ng Borongan City, Eastern Samar.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 35 kilometers per hour sa direksyong West Northwest.
Ayon sa PAGASA, simula bukas, maaaring magtaas na ng Signal No. 1 sa bahagi ng Cagayan.
Mabilis din ang paglakas na bagyo na inaasahang magiging Severe Tropical Storm bukas (Nov. 5) at aabot sa Typhoon category bukas ng gabi o sa Miyerkules (Nov. 6) ng umaga.
Posible ayon sa PAGASA na magtaas ng hanggang Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 sa mga lugar na labis na maaapektuhan ng bagyo.
Inaasahan ding tatama ang bagyo sa kalupaan ng Babuyan Islands o sa mainland northern Cagayan sa Huwebes (Nov. 7) ng gabi o sa Biyernes (Nov. 8) ng umaga. (DDC)