Kalahating milyon na 4Ps beneficiaries, maaalis na sa programa bago matapos ang taong 2024
Aabot sa kalahating milyong benepisyaryo ng 4Ps ang inaasahang graduate na sa programa bago matapos ang taong 2024.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), halos 500,000 household beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) maaalis na sa programa.
Ayon kay 4Ps Social Marketing Division Chief (DC) Marie Grace Ponce, ang 500,000 beneficiaries ay pawang mga nakatawid na sa kahirapan.
Ang mga nasabing household beneficiaries na nakatakdang mag-exit sa programa ay nakitaan ng pagiging self-sufficient base sa assessment na isinagawa ng ahensya.
Nangangahulugan ito ayon kay Ponce na kaya na nilang tugunan lahat ng kanilang mga pangangailangan at sakali mang magkaroon ng krisis ay mayroon silang mapagkukunan.
Ipinaliwanag ng SMD chief na batay sa Republic Act (RA) 11310 o 4Ps Act, ang programa ay nagbibigay ng conditional cash transfer sa mga mahihirap sa loob ng pitong taon.
Bukod sa seven-year limit at pagiging self-sufficiency level, nakasaad sa Rule XV Section 35 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng 4Ps Law ang mga rason para sa probisyon na naglalahad na maaari ng mag-graduate ang isang benepisyaryo.
Kabilang sa mga rason para masabing matatapos na sa 4Ps ang isang benepisyaryo ay kung ang huling bata na mino-monitor sa pamilya ay umabot na sa edad 18 o nakatapos na ng high school.
Kasama din sa rason ang voluntary withdrawal sa programa at kung nakagawa ng paglabag sa programa. (DDC)