Trabaho Partylist tututukan seguridad ng manggagawa sa panahon ng sakuna
Binigyang-diin ng Trabaho Partylist ang pangangailangang bigyan ng proteksyon at tamang pasahod ang mga manggagawa tuwing may kalamidad, tulad ng epekto ng mga nakaraang bagyo at ng Hanging Habagat.
Ayon sa Trabaho Partylist, tututukan ng grupo sa Kongreso ang mga hakbang na magbibigay ng dagdag na proteksyon sa mga manggagawa sa panahon ng sakuna.
Kabilang dito ang panukalang calamity pay para sa mga empleyadong napipilitang pumasok sa trabaho sa gitna ng bagyo, at iba pang uri ng calamity assistance para sa mga apektadong manggagawa.
Ayon sa Trabaho Partylist, mahalagang maipasa ang mga ganitong hakbang upang masiguro na ang mga manggagawa ay may sapat na seguridad at suporta, hindi lamang sa normal na panahon, kundi lalo na sa oras ng sakuna.
Dagdag ng grupo, mahalaga rin ang patuloy na pagpapaalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers hinggil sa kanilang obligasyon na pangalagaan ang seguridad at kapakanan ng kanilang mga empleyado sa panahon ng sakuna.
Tinukoy ng Trabaho Partylist ang Labor Advisory No. 17, series of 2022, na nagbibigay gabay sa mga kumpanya tungkol sa pagsuspinde ng trabaho dahil sa masamang panahon.
Ayon sa naturang advisory, ang mga empleyadong nagtrabaho nang hindi bababa sa anim na oras bago suspindehin ang operasyon ay dapat makatanggap ng buong sahod para sa araw na iyon. Kung mas maiksi ang oras ng trabaho, ang empleyado ay tatanggap ng “proportionate” wage batay sa mga oras na siya ay nagtrabaho.
Sa mga pagkakataong hindi makapasok sa trabaho dahil sa kalamidad, maaaring hindi makasahod ang manggagawa, ngunit iginiit ng Trabaho Partylist na hindi dapat ito maging dahilan para sila’y maparusahan sa kanilang mga kumpanya.