Comelec hahabulin ang mga kandidato na hindi magpaparehistro ng kanilang mga social media account
Siniguro ng Commission on Elections (Comelec) na pananagutin ang mga kandidatong mabibigo na iparehistro ang kanilang mga social media account.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, maaaring sampahan ng election offense na may kakibat na parusang pagkakakulong ang mga kandidato na hindi susunod sa polisiya.
Sa ilalim ng Article III, Secion 1 ng Comelec Resolution No. 11064, lahat ng official social media accounts at pages, websites, podcasts, blogs, vlogs, at iba pang online o internet-based platforms ng kandidato at partido na sadyang ginawa o ginagamit para mag-promote ng pagkapanalo o pagkatalo ng partikular na kandidato o mga kandidato ay kailangang rehistrado sa Comelec Education and Information Department (EID).
Ang mga online campaign platform ay kailangang iparehistro ng mga kandidato at party-list groups hanggang sa Dec. 13, 2024.
Ang mga kandidato o party-list groups na hindi magpaparehistro ng kanilang social media accounts o online campaign platforms ay bibigyan ng Notice to Explain ng Comelec sa pamamagitan ng Task Force KKK sa Halalan.
Kailangan nilang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat sampahan ng reklamo sa paglabag ng Resolution No. 11064. (DDC)