Mayor Biazon kinondena ang pagpatay sa Brgy. Buli chairman sa Muntinlupa City
Mariing kinondena ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ang walang saysay na pagpatay ng dalawang suspek sa chairman ng Barangay Buli sa lungsod kahapon.
Kinilala ang biktima na si Kapitan Ronaldo “Kaok” Loresca y Lopez, Brgy. Chairman at residente sa 47 Manuel L. Quezon Street, Purok 1, Brgy. Buli, Muntinlupa City.
Samantala inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaking suspek na sakay ng isang motorsiklo kung saan ang isang salarin ay nakasuot ng Joy Ride Shirt habang itim na T-shirt naman ang isa.
Ayon sa inisyal na report ni CMS Alex Ronda, imbestigador ng Muntinlupa City Police, nitong Mayo 22 dakong alas- 10:16 ng gabi nang walang-awang pinagbabaril si Kap. Kaok sa harapan ng Sole So Blessed Store sa M.L. Quezon Street, Brgy. Buli.
Nakaupo ang kapitan kasama ang mga kaibigan nito sa harapan ng naturang tindahan ng sumulpot ang riding-intandem suspects at biglang pinagbabaril ang biktima bago tumakas patungong Sucat, Parañaque City.
Mabilis na dinala ang sugatang biktima sa Asian Hospital subalit binawian ng buhay.
Ipinag-utos na ni Mayor Biazon sa Operations Center na i-review ang mga CCTV sa lungsod at ang agarang imbestigasyon ng otoridad para matukoy ang mga salarin.
“Walang puwang ang karahasan sa Muntinlupa, kinukundena ko ang karumal-dumal na pagpaslang kay Kap. Kaok Loresca. Hindi po natin titigilan ito hanggang makamit ang hustisya. Nakikiramay po ako at ang buong Pamahalaang Lungsod sa pamilya at mga kaibigan ni Kap. Kaok, gayundin sa buong Barangay Buli,” ayon sa alkalde. (Bhelle Gamboa)