Love scammers patuloy na nambibiktima ng mga Pinay
Pinag-iingat ng Bureau of Immigration (BI) ang publiko laban sa mga nasa likod ng love scam.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ilang ulit ng nakatanggap ng request ang ahensya para iberipika ang report hinggil sa umano ay mga dayuhan na naho-hold sa NAIA.
Ayon kay Tansingco, isang Pinay ang tumawag sa BI kamakailan at sinabing ang kanilang American na nobyo ay nasa NAIA at pinagbabayad ng P40,000 dahil sa pagdadala nito ng undocument foreign currency.
Mayroon ding Pinay na humiling ng beripikasyon sa BI matapos na may tumawag umano sa kaniya para sabihin na ang kaniyang Korean na nobyo ay naho-hold sa NAIA at mayroong kailangang bayaran na multa.
Nabatid na ang mga mensahe na ipinapadala sa nasabing mga Pinay ay galing sa pekeng BI Facebook account.
Malinaw ayon kay Tansingco na ang nasabing mga insidente ay bahagi ng love scam.
Gaya ng dalawang Pinay, hinikayat ni Tansingco ang iba pa na tumawag muna o magtanong sa BI sa hotline number na +632 84652400. (DDC)’