P50M na halaga ng pinansyal na tulong ipinamahagi ni Pang. Marcos sa Lanao del Norte at Misamis Occidental

P50M na halaga ng pinansyal na tulong ipinamahagi ni Pang. Marcos sa Lanao del Norte at Misamis Occidental

Aabot sa P50 milyong pinansyal na ayuda ang ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lokal na pamahalaan ng Iligan City, Lanao del Norte at Misamis Occidental.

Personal na iniaabot ni Pangulong Marcos ang tulong sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng El Niño sa Northern Mindanao.

Nabatid na sa naturang halaga, P10.540 milyon ang ibinigay kay Iligan City Mayor Frederick Siao; P13.920 milyon kay Lanao del Norte Vice Governor Allan Lim; at P24.360 milyon kay Misamis Occidental Governor Henry Oaminal.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa MSU-IIT Gymnasium sa Iligan City, sinabi nito na nais niyang personal na kumustahin ang lagay ng mga magsasaka at mga mangingisda.

“Pwede ko naman po ihabilin sa aking mga kalihim ang pagdadala ng tulong. Pwede ko rin iatas sa iba ang paghahatid ng serbisyo. Ngunit kung gagawin ko iyon, hindi ko kayo makakasalamuha. Hindi ko makikita ang inyong tunay na kalagayan. Hindi ko maririnig ang inyong hinaing,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Higit sa lahat, hindi ko matutunghayan ang pag-unlad ng Iligan at Lanao del Norte na bunga ng sipag at tiyaga ng kanyang mga mamamayan,” dagdag ng Pangulo.

Saludo si Pangulong Marcos sa katatagan ng mga residente sa kabilang mga hamon sa buhay.

Bukod sa pinansyal na ayuda mula sa Office of the President, namahagi rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng tig P10,000 na financial assistance sa 9,588 beneficiaries sa Iligan City.

nagbigay din ng tulong ang Department of Trade and Industry (DTI), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Health (DOH) sa isinagawang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.
namahagi naman si Speaker Martin Romualdez ng tig-limang kilong bigas sa mga residente sa Iligan City at Cagayan de Oro City.

Una nang binisita ni Pangulong Marcos ang mga magsasaka at mga mangingisda sa Zamboanga City, General Santos City, at Sultan Kudarat. (DDC)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *