Publiko binalaan ng MMDA sa panibagong scam gamit ang pangalan ng ahensya
Nakarating sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagkalat ng pekeng text message tungkol sa tinatawag na No-Touch Arrest Penalty.
Ayon sa MMDA, walang polisiya na ipinatutupad o notice na ipinapadala ang ahensya na nagsasabing kailangang magbayad ng penalty sa isang website link.
Ayon sa MMDA, ang link na ipinadadala sa text message ay nakadirekta sa pekeng website na ginagamit ang pangalan ng Land Transportation Office (LTO) at sinasabing kapag inilagay ang plate number ay malalaman na ang traffic violation.
Matapos ito ay ituturi na din ang paraan kung paano babayaran ang multa.
Sa direktiba ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, patuloy na nakikipagtulungan ang MMDA at LTO sa mga awtoridad upang malaman at mahuli ang mga nasa likod ng mga panlolokong ito sa mga motorista.
Paalala ng MMDA, huwag pindutin ang link na may kahina-hinalang text message upang makaiwas sa pagbibigay ng personal at sensitibong impormasyon. (DDC)