Halaga ng penalty na naipataw ng DOTr sa mga colorum na sasakyan umabot sa mahigit P100M
Umabot sa mahigit 100 million pesos ang penalty na naipataw ng Department of Transportation (DOTr) sa mga inilunsad nitong anti-colorum campaign mula Nobyembre 2023.
Sa datos ng DOTr, sa mga ikinasang operasyon ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) simula Nov. 2023 hanggang Apr. 1, 2024 ay umabot sa 103.9 million pesos ang naipataw na penalty sa mga nahuling colorum na sasakyan o out-of-line vehicles.
Ang mas pinalakas na anti-colorum campaign ng DOTr ay para matiyak ang ligtas na biyahe ng mga pasahero.
Ayon sa DOTr, ang mga colorum at out-of-line na sasakyan ay walang sapat na permit at insurance kaya hindi ligtas ang kanilang mga pasahero sakaling magkaroon ng aksidente. (DDC)