10,000 Muslim sa Taguig nakiisa sa Ramadan
Aabot sa 10,000 na mga kapatid na Muslim ang nakiisa sa kanilang taimtim na panalangin sa Blue Mosque sa Barangay Maharlika, Taguig City bilang bahagi ng selebrasyon ng kanilang Ramadan o Eid Mubarak.
Ito ang naging pagtaya ni Abdul Manan, liason officer ng naturang mosque matapos ang pang-umagang pagsamba ng mga Muslim bandang alas-6:45 ng umaga ng Miyerkules, April 10 na hudyat ng pagtatapos ng Ramadan.
Kabilang aniya sa kanilang tradisyon ang masayang pagbati,pagyakap ng bawat isa at pagpapatawad.
Susundan ito sa pagkain ng mga inihandang pagkain na naaayon sa kanilang paniniwala sa Islam.
Isinara pansamantala ang Mindanao Avenue at ilang kalye malapit sa Blue Mosque upang bigyang-daan ang pagdiriwang ng pagtatapos ng Ramadan.
Samantala, nagpakalat naman ng mga pulis ang Taguig City Police sa lugar upang magbigay ng seguridad at tiyakin ang kaligtasan ng kapatirang Muslim. (Bhelle Gamboa)