Lalaking nagselfie suot ang PNP athletic uniform sa loob ng bus inaresto sa Parañaque City
Hindi sukat akalain ng isang lalaking pasahero na ang pagseselfie habang suot ang athletic uniform ng Philippine National Police ang maglalagay sa kanya sa balag ng alanganin matapos siyang arestuhin ng otoridad sa Parañaque City.
Si alyas Jefferson, 38-anyos, ay mahaharap sa reklamong Usurpation of Authority Article 177 (Usurpation of Authority of Official Function) at Art. 179 (Illegal Use of Uniforms and Insignias) ng Revised Penal Code.
Batay sa ulat ng Southern Police District, nagseselfie ang suspek na suot ang asul na T-shirt na athletic uniform ng PNP, jogging pants at tsinelas habang sakay ng bus na bumabagtas sa Coastal Road nitong Abril 8 ng umaga.
Pagpasok ng bus sa PITX ay agad na pinababa ng mga pulis ang suspek at hinanapan ng PNP ID subalit wala siyang maipakita na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto.
Binalaan ng pamunuan ng SPD ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang hindi otorisadong pagsusuot ng PNP uniforms kung hindi miyembro ng pulisya. (Bhelle Gamboa)