Ilang LGU sa Metro Manila nagsuspinde ng klase dahil sa matinding init ng panahon
Dahil sa pagtaya ng PAGASA na magiging mainit ang panahon sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ngayong araw, Apr. 2 ay ilang local government sa NCR ang nagsuspinde ng klase.
Sa kautusan ni Muntinllupa City Mayor Ruffy Biazon, simula alas 10:00 ng umaga ay suspendido na ang pang-umagang klase sa mga pampublikong paaralan sa lungsod kasama ang mga Child Development Centers sa ilalim ng ECED.
Suspendido rin ang panghapon na klase.
Ipinaubaya naman ni Biazon sa pasya ng Schools Division Office-Muntinlupa kung magpapatupad ng blended learning ngayong araw.
Nagpatupad naman ng adjusted class schedules sa mga public schools sa Navotas.
Ayon sa inilabas na abiso ng Navotas City LGU, ang pang-umagang klase sa mga pampublikong paaralan ay 6am to 10am, 2pm to 6pm ang Elementary at 2pm to 7pm naman ang High School.
Habang discretion ng pamunuan ng private schools kung magsususpinde din ng klase.
Sa Quezon City, una na ring inutos ni Mayor Joy Belmonte ang pagkansela sa face-to-ace classes sa mga public schools sa lungsod.
Ayon kay Belmonte, maaaring magpatupad ng asynchronous at synchronous classes para magpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante. (DDC)