DOTr Sec. Jimenez, DILG Sec. Abalos nag-inspeksyon sa PITX
Ininspeksiyon ng ilang matataas na opisyal ng ahensiya ng gobyerno ang ParaƱaque Integrated Terminal Exchange ( PITX) upang siguruhin ang ligtas at payapang paglalakbay ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang probinsiya para doon gunitain ang Semana Santa.
Ang inspeksiyon sa naturang terminal ay pinangunahan nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. at Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na dinaluhan naman nina DITC Secretary Ivan Uy, Cyber Crime Investigation and Coordinating Center Executive Director Alexander Ramos, PITX Spokesperson Jason Salvador, PITX Corporate Affairs Officers Kolyn Calvasa, LTFRB Teofilo Guadiz, LTO Chief Vigor Mendoza, PNP Chief Benjamin Acorda, NCRPO Regional Director Jose Melencio Nartatez, SPD Director Brig. Gen Mark Pespes at MMDA Chairman Romando Artes.
Personal na inalam ng mga opisyal sa mga pasahero kung maayos ba ang kanilang biyahe.
Naging kuntento naman ang mga pasahero sa serbisyo sa PITX at ang presensya ng mga iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para tiyakin ang kanilang kaligtasan.
Bukod sa mga pasahero, kinumusta din nila ang mga bus driver at konduktor kung nakapasa ang mga ito sa drug testing kasabay ng pagsuri sa kani-kanilang lisensiya.
Pinayuhan naman ni Sec. Bautista ang mga pasaherong tumatangkilik ng colorum na sasakyan ngayong Kuwaresma.
Aniya, walang katiyakan kung road worthy o ligtas ang kanilang masasakyan na colorum na malalagay lamang sa alanganin ang kanilang kaligtasan at pamilya.
Pinaalalahanan ang mga pasahero na dumating ng mas maaga sa biyahe partikular na sa mga paliparan at ayusin ang mga kinakailangang papeles.
Binigyang-diin pa ni Secretary Bautista na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na gamit sa mga terminals upang hindi maabala at magkaroon ng aberya. (Bhelle Gamboa)