Abalos ininspeksiyon ang PGH kasunod ng nangyaring sunog

Abalos ininspeksiyon ang PGH kasunod ng nangyaring sunog

Personal na ininspeksiyon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr.
ang Philippine General Hospital (PGH) matapos ang insidente ng sunog na naganap sa pagamutan.

Kasama ni Abalos sa inspeksyon sina PGH Director Dr. Gerardo Legaspi, Bureau of Fire Protection (BFP- NCR) Regional Director FCSupt Nahum Tarroza at iba pang opisyal ang PGH para alamin ang pinsalang idinulot ng sunog kamakailan.

Ang sunog ay nagmula sa record section ng PGH na maaaring sa kuryente umano nagsimula.

Nabatid na taong 1910 pa itinayo ang gusali ng PGH.

Inatasan ng kalihim ang BFP na magsagawa ng komprehensibong electrical system inspection sa PGH para siguruhin ang kaligtasan ng mga pasyente at kawani ng ospital.

Pinasalamatan ni Abalos ang PGH personnel dahil sa mabilis na pagtugon at kahandaan sa panahon ng sunog na nagresulta ng kaligtasan ng lahat ng pasyente at staff.

Nasa kabuuang 896 na pasyente at tauhan ang inilikas sa panahon ng insidente kung saan walang naitalang nasaktan o namatay sa sunog.

“I would like to congratulate PGH, alam n’yo ba in just 15 minutes kaagad nilang nailikas ang mga tao. Ibig sabihin may system sila at may fire drill sila. Napakaganda ng ginawa nila.”

Nakuntento naman si PGH Director Legaspi sa hakbang ng BFP dahil 10 na minuto lamang ay nakaresponde na sila sa fire emergency kung saan 13 na fire trucks at isang ambulansiya ang dineploy sa lugar. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *