Australian at Pinay na girlfriend hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong dahil sa illegal recruitment
Guilty ang naging hatol ng Regional Trial Court sa Lapu-Lapu City laban sa isang Australian national at Pinay niyang kasintahan na kapwa nahaharap sa kasong Large Scale Illegal Recruitment.
Kinilala ang magkasintahan na sina Troy Russel Birthisel at Lovely Jane Jaron Modina.
Sa rekord ng kaso, nag-alok umano ang magkasintahan ng trabaho sa anim na Pinay bilang waitress o housekeeping staff sa mga hotel, resort, o restaurant sa Singapore, kapalit ang paniningil ng P10,000 bilang placement fee.
Iniutos umano ni Modina na makipag-ugnayan ang mga biktima sa kaibigan ni Birthisel na si George Morell, na siya umanong nagmamay-ari ng Hospitality Staff Asia (HSA), isang placement agency sa Australia.
Sa pagpapaalis sa mga biktima, pinalalabas ng mga akusado na magbabakasyon lamang ang mga ito.
Sa desisyon ng korte, ang mga akusado ay napatunayang nagkasala sa krimeng Large Scale Illegal Recruitment.
Sila ay hinatulan ng habang buhay na pagkakakulong at multa na nagkakahalagang P2,000,000. (DDC)