Hiwalay na kulungan para sa Muslim PDLs inihihirit sa BuCor
Iminumungkahi ng Office of the Presidential Adviser on Muslim Affairs sa Bureau of Corrections (BuCor) na magkaroon ng hiwalay na kulungan ang mga Muslim na persons deprived of liberty (PDLs).
Ito ang hinihiling ni Almarim C. Tillah, Presidential Adviser on Muslim Affairs sa pakikipagpulong nito kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang, Jr.
“During our dialogue and consultations with our Muslim brothers and sisters with various National government agencies, one of the discussions was the plight and challenges of Muslim PDLs inside our penitentiaries and the suggestion to have a separate prison for Muslim PDLs has been raised, “ sabi ni Tilla kay Catapang.
Ayon kay Tillah ang inisyatibong ito ay mahalagang pakikinabangan ng Muslim PDLs partikular ang preserbasyon ng kultura ng mga Muslim kahit sa loob ng penal institutions.
Idinagdag pa nito na maraming magagandang bentahe ang pagkakaroon ng hiwalay na kulungan para sa mga Muslim PDLs kung saan mas maayos na mapangasiwaan, maprotektahan at ligtas ang PDLs sa pamamagitan ng mas mababang banta ng karahasan at kaguluhan at lalong mapapangalagaan ang kultura ng Muslim PDLs.
Ang mga Muslim ay mayroong mahahalagang gawi kabilang ang limang panalangin bawat araw, wastong paghahanda at pagsisilbi ng mga pagkaing Halal sa parating na buwan ng Ramadan kung saan kasama rito ang pag-aayuno para sa loob ng isang buwan na may iba’t ibang pagkain sa oras ng kainan.
Sa kabila na ang mga indibiduwal ay ikinonsiderang PDLs, inihayag ni Tillah na karapatan pa rin ng mga ito na isagawa ang kanilang pananampalataya na makatutulong sa kanilang pagbabago upang maging mas mabuting tao.
Nangako naman si Catapang kay Tillah na tatalakayin nito ang kanyang mungkahi kay Justice Secretary Crispin Remulla at tiniyak nitong lahat ng PDLs na nasa ilalllim ng pangangalaga ng BuCor ay papayagang isakatuparan ang kanilang pananampalataya at tanging mga pagkaing naaayon sa aral ng Islam lamang ang ibibigay sa mga Muslim PDLs.
Base sa datos ng BuCor nasa kabuuang 2,803 na Muslim PDLs ang nakakulong sa mga piitan sa bureau kung saan 1,039 rito ang nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, 661 sa Davao Prison and Penal Farm,
647 sa Sablayan Prison and Penal Farm, 207 sa Correctional Institution for Women, 135 sa Iwahig Prison and Penal Farm, 87 sa San Ramon Prison and Penal Farm at 27 iba pa sa Leyte Regional Prison.
Ibinunyag pa ni Catapang na umabot na sa 657 Muslim PDLs ang nakalaya na mula sa kulungan sa ilalim ng administrasyong Remulla. (Bhelle Gamboa)