1 patay mahigit 50 sugatan sa pagbagsak ng 2nd floor ng simbahan sa Bulacan sa kasagsagan ng Ash Wednesday mass
Isa ang nasawi habang 52 ang sugatan matapos bumagsak ang ikalawang palapag ng isang simbahan sa San Jose Del Monte City, Bulacan sa ksagsagan ng misa para sa Ash Wednesday.
Ayon sa San Jose Del Monte City government, nangyari ang insidente pasado alas 7:00 ng umaga sa kalagitnaan ng Ash Wednesday Mass sa St. Peter the Apostle Parish Church, Barangay Tungkong Mangga.
Gumuho ang bahagi ng ikalawang palapag ng naturang simbahan dahilan para mabagsakan ang mga nagsisimba.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Council gaya ng San Jose del Monte City Police Station, Bureau of Fire Protection, City Engineering Office, at iba pang mga otoridad.
Ayon sa mga saksi, sa kalagitnaan ng pagpapahid ng Abo, bigla na lamang nagsigawan ang mga tao dahil gumuho ang bahagi ng 2nd floor.
Nagtungo din sa pinangyarihan ng insidente si Mayor Arthur B. Robes upang i-assess ang sitwasyon.
Ayon kay Robes, ang nasawi ay nakilalang si Luneta Morals, 80 anyos.
Ayon sa CDDMRO, gawa sa kahoy ang 2nd floor ng simbahan at base sa pahayag ng parish priest, inaanay na ang kahoy.
Nagsasagawa na ng damage assessment ang mga City Building Officials sa simbahan at ipinag-utos ni Mayor Arthur Robes na huwag muna magsagawa ng misa pansamantala. (DDC)