Mahigit 3,000 benepisyaryo sa Quezon nakinabang sa “Lab for All Program” ni First Lady Marcos
Mahigit tatlong libong (3,000) Quezonian ang nakinabang sa LAB For All (Libreng Laboratoryo, Konsulta at Gamot para sa Lahat) Program na inisyatibo ni Unang Ginang Liza Araneta-Marcos ngayong araw ng Martes, Enero 9, 2024 sa Quezon Convention Center, Lungsod ng Lucena.
Layunin ng programa na makapaghatid ng libreng serbisyong medikal sa buong Pilipinas lalo na sa mga lugar na walang ready access sa health services at katuparan sa pangako ni Pangulong Bongbong Marcos na gawing free at accessible ang tulong medikal para sa mga mahihirap.
Bukod sa Lungsod ng Lucena na personal na pinuntahan ni Unang Ginang Marcos ay naisagawa rin ang naturang programa sa Lungsod ng Tayabas at iba pang bayan sa lalawigan ng Quezon na ika-labingwalong probinsya sa bansa na dinalhan ng programa.
Dito ay iba’t ibang serbisyong medikal ang napakinabangan ng mga mamamayan sa pangunguna ng Department of Health (DOH) sa pamumuno ni Sec. Teodoro Herbosa katuwang ang ilang pampubliko at pribadong grupo tulad ng libreng pisikal at medikal na eksaminasyon at konsultasyon, libreng bunot ng ngipin, libreng gamot, laboratory test, ECG, X-Ray, ultrasound, libreng pagsusuri sa ENT at minor surgery.
Kaisa sa programa na naghatid din ng kani-kanilang serbisyo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pangunguna ni Sec. Rex Gatchalian, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pamumuno ni Sec. Teng Mangundadatu, Food and Drugs Administration (FDA) sa pamumuno ni Dir. Gen. Samuel Zacate, Public Attorney’s Office (PAO) sa pamumuno ni Atty. Persida Acosta at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pamumuno ni Emmanuel Ledesma Jr.
Nakiisa rin sa programa ang Department of Agriculture (DA) na nagkaloob ng mga binhing pananim, National Housing Authority (NHA) na nagkaloob ng libreng pabahay sa limang (5) maswerteng Lucenahin, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa karagdagang gamot, Commission on Higher Education (CHED) na nagkaloob ng 900 grants worth P20,000 bawat isa para sa mga college students, Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Migrant Workers (DMW).
Lubos naman ang pasasalamat ni Governor Doktora Helen Tan kay Unang Ginang Marcos at sa naturang programa sapagkat naging benepisaryo nito ang lalawigan ng Quezon para sa sektor ng kalusugan.
Ang pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan ang isa sa pangunahing tinututukan ni Governor Tan sa ilalim ng HEALING Agenda kaya naman lubos ang pagpapasalamat ng opisyal sa ganitong mga aktibidad. (JR Narit)