Indonesia at Pilipinas lumagda ng kasunduan para sa energy security
Naselyuhan na ng Pilipinas at Indonesia ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa energy security ng dalawang bansa.
Layunin ng kasunduan na mapalakas ang energy cooperation ng dalawang bansa.
Sinaksihan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Indonesian President Joko Widodo sa President’s Hall sa Palasyo ng Malakanyang ang paglagda sa kasunduan.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang nilagdaang MOU ay bunga ng matagumpay na pag-uusap ng Pilipinas at Indonesia sa pamamagitan ng Department of Energy (DOE) at Ministry of Energy and Mineral Resources ng Indonesia.
“Our Ministries have worked hard and today we saw one of these works bear fruit as we witnessed the signing of the MOU on the Cooperation in the Field of Energy. Through this MOU, our countries create a new synergy as we cooperate to achieve energy security,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Sinabi naman ni DOE Secretary Raphael Lotilla na ang nilagdaang MOU ay magbibigay ng update at reinforcement sa long-term energy cooperation ng dalawang bansa.
“On the part of the Philippines, it is an offshoot of our President’s efforts to achieve higher energy security through energy diplomacy,” pahayag ni Lotilla.
Sa ilalim ng MOU, pangangasiwaan ang kooperasyon sa pagitan ng mga business sectors lalo na sa panahon na may critical supply constraints sa enerhiya gaya sa coal at liquefied natural gas (LNG).
Nakasaad din sa MOU ang potential benefits sa ekonomiya, environmental at geopolitical dimensions sa pamamagitan ng kolaborasyon sa energy transition, renewable energy, demand-side management, electric vehicles at alternative fuels gaya ng hydrogen, ammonia, at biofuels. (Chona Yu)