Bilang ng mga nasugatan sa paputok, 52 na; 5 ang nagresulta sa pagkaputol ng parte ng katawan
Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng limang naputulan ng parte ng katawan ng dahil sa paputok.
Ayon sa datos ng DOH mula umaga ng Dec. 25 hanggang umaga ng Dec. 26 ay nakapagtala ng 24 na bagong kaso ng fireworks related injuries.
Ang mga biktima ay edad 5 hanggang 52 taong gulang.
Ayon sa DOH, ang 5 naputulan ng bahagi ng katawan ay kinabibilangan ng 3 menor de edad at 2 ang nasa wastong gulang na.
Ang paputok na kanilang ginamit ay Boga, Plapla, Five-star, Goodbye Philippines, at Whistle Bomb.
Sa kabuuan, sinabi ng DOH na 52 na ang kabuuang bilang ng naitatalang fireworks related injuries.
Sa NCR may pinakamaraming kaso na 20, sumunod ang Region III na may 6 cases at Region XII na may 5 cases.
Nagpasalamat naman ang DOH sa ginagawang hakbang ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga ipinagbabawal na paputok at ilegal na paggamit ng firearms. (DDC)