Bagyong Kabayan humina na at naging LPA na lang – PAGASA
Humina at naging Low Pressure Area (LPA) na lamang ang bagyong Kabayan.
Sa final tropical cyclone bulletin na inilabas ng PAGASA 5:00 ng hapon ng Lunes, Dec. 18, ang LPA ay huling namataan sa bisinidad ng Impasug-ong, Bukidnon.
Kumikilos ito ng northwestward sa bilis na 25 kilometers per hour.
Dahil sa paghina ng bagyo, wala ng tropical cyclone wind signal na nakataas saanmang panig ng bansa.
Pero ayon sa PAGASA, magpapaulan pa rin ang LPA sa malaking bahagi ng Mindanao at Visayas.
Ngayong araw hanggang bukas, ang LPA ay magdudulot ng pag-ulan sa Surigao del Sur, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Agusan del Sur, Davao del Norte, Davao de Oro, at Davao Oriental.
Makararanas din ng pag-ulan sa Central Visayas, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Zamboanga del Norte, Northern Mindanao, Davao City, Cotabato, Lanao del Sur, southern portions ng Samar at Eastern Samar, at sa nalalabing bahagi ng Caraga, Davao Oriental, Davao de Oro, at Davao del Norte.
Samantala ang Shear Line naman ang magdudulot ng pag-ulan sa eastern portion ng Southern Luzon.
Ayon sa PAGASA, posibleng mabuo muli bilang tropical depression ang LPA depende sa environmental conditions sa lugar na dinaraanan nito. (DDC)