LTFRB at OTC bubuksan sa mga araw ng Sabado para tumanggap ng aplikasyon para sa PUV Modernization Program
Dahil nalalapit na ang deadline para sa PUV modernization program sa December 31, bubuksan ang mga tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Office of Transportation Cooperatives (OTC) sa mga araw ng Sabado upang tumanggap ng aplikasyon.
Bukas ang mga tanggapan Lunes hanggang Sabado mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Alinsunod sa inilabas na pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. kahapon, December 12, 2023, wala nang magiging extension sa Industry Consolidation deadline na nakatakda sa December 31, 2023.
Paalala ng Department of Transportation (DOTr) sa lahat ng driver at operator ng mga pampublikong sasakyan na sakop ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), magsumite na ng mga kinakailangang dokumento para sa kanilang petition for consolidation.
Ayon sa DOTr nauunawaan nito ang pangamba ng bawat driver at operator kaugnay ng nalalapit na deadline kaya ang tanggapan ng LTFRB at Land Transportation Office (LTO) sa buong bansa ay magkakaroon ng priority lane para sa lahat ng mga hahabol sa application for consolidation.
Ang DOTr, LTFRB, at OTC ay mananatiling bukas maging sa Dec 31 na Bisperas ng Bagong Taon para sa mga hahabol sa huling araw ng pagsusumite ng aplikasyon. (DDC)