Tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol sa Surigao del Sur tiniyak ng DSWD
Nagtungo sa Surigao del Sur si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian para matiyak ang agarang paghahatid ng tulong sa mga naapektuhan ng magnitude 7.4 na lindol.
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtulungan ang mga ahensya ng gobyerno para masiguro ang pangangailangan ng mga naapektuhang pamilya.
Tiniyak ni Gatchalian kay Surigao del Sur Gov. Alexander Pimentel, mga LGUs sa lalawigan at sa lahat ng apektadong pamilya na makatatanggap sila ng tulong mula sa DSWD.
Dumalo si Gatchalian sa situation briefing kasama si Pimentel at mga alkalde mula sa mga munisipalidad at lungsod sa probinsya.
Nauna ng nagpahatid ng tulong ang DSWD sa 100 pamilya na naapektuhan ng lindol.
Pinagkalooban ng family food packs (FFPs) ang mga pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa Bitoon Elementary School sa bayan ng Hinatuan. (DDC)