Pagtagilid ng isang RoRo vessel sa Misamis Oriental iimbestigahan ng PCG
Pinaiimbestigahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang RoRo vessel na MV FILIPINAS CDO matapos itong tumagilid habang nasa karagatan ng Laguindingan, Misamis Oriental.
Sa inisyal na imbestigasyon, patungo ng Cebu ang RoRo vessel ng makaranas ito ng 30-degree listing dahil sa malakas na hangin na dulot ng hindi magandang panahon.
Ayon sa Coast Guard Station Cagayan de Oro (CDO) ang MV FILIPINAS CDO ay ligtas na nakabalik sa CDO Port.
Tumulong ang mga tauhan ng PCG sa pagbaba ng 448 na pasahero ng barko na pawang nasa maayos namang kondisyon.
Ayon kay PCG Spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo, iniutos na ni PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan sa Maritime Safety Services Command (MSSC) na imbestigahan ang nangyari at tingnan ang safety procedures and protocols na ipinatupad ng shipping company at mga crew nito.
Sinabi ni Balilo na may natanggap ding impormasyon ang PCG na ang pagtagilid ng MV FILIPINAS CDO ay dahil sa hindi maayos na pag-pwesto ng apat na rolling cargoes na lulan nito. (DDC)