Resupply boats ng bansa sa Ayungin Shoal nakaranas muli ng pangha-harass mula sa mga barko ng China
Kinumpirma ng National Task Force-West Philippine Sea ang panibagong insidente ng pangha-harass ng mga barko ng China sa barko ng Pilipinas na maghahatid suplay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon sa pahayag ng Task Force, umaga ng Biyernes (Nov. 10) hinarang ng China Coast Guard (CCG) at Chinese Maritime Militia (CMM) vessels sa pamamagitan ng pagsasagawa ng dangerous maneuvers ang routine resupply and rotation mission sa BRP Sierra Madre.
Gumamit pa ang CCG vessel 5203 ng water cannon sa Philippine supply vessel M/L Kalayaan.
Nakaranas din ng pangha-harass mula sa mga barko ng China ang supply boats na Unaizah Mae 1 (UM1) at M/L Kalayaan makaraang halos dikitan na ng rigid-hulled inflatable boats (RHIB) ng China habang naglalayag sa Ayungin Shoal lagoon.
Sa kabila ng nasabing mga insidente, sinabi ng Task Force na naging matagumpay ang misyon.
Iginiit ng Task Force na dapat agad ng umalis sa Ayungin Shoal ang mga barko ng China na sangkot sa nasabing mga ilegal na aktibidad.
Naghain na din ng protesta ang Philippine Embassy sa Beijing sa Chinese foreign ministry. (DDC)