Pagbili ng 36,000 striker fired pistol ng DND dapat imbestigahan
NARARAPAT na maimbestigahan ang napipintong pagbili ng Department of National Defense (DND) ng may 36,000 striker fired pistol na may badyet na P1.7 billion.
Ito ay dahil narin sa kaliwa’t kanang agam-agam sa nangyaring proseso ng Bids and Awards Committee at ng Technical Working Group sa bidding process o pagpili ng supplier nito.
Overpriced o masyadong mahal ang presyo ng bawat piraso ng baril .
Sa nakalap na bid document, aabot sa P49,500 ang kada piraso nito, gayong nasa P22,000 lang o doble halos ang presyo nito kung ikukumpara sa iba’t-ibang establisimyento.
Kahina-hinala din ang ginawang paghihigpit ng Bid and Awards Committee sa mga requirements para sa bidding process dahil tila ipinipilit ang mga alumium/carbon steel striker fired pistols dahilan upang madehado ang ilang supplier.
Ayon sa isang insider, bakit ipinipilit ng Bid and Awards Committee na gumamit ng alumium/carbon steel striker fired pistol gayong hindi naman ito ginagamit ng alinman sa military na kabilang sa North Atlantic Treaty Organization o NATO dahil hindi ito subok sa ganitong uri ng mga baril.
“Napapakamot ulo rin kami dahil walang malinaw na scientific at independent laboratory test para siguraduhin talagang 7075-T6 Aluminum o Carbon Steel ang gagamiting materyales sa mga baril,”- pahayag ng insider
Paliwanag ng insider, maraming komplikadong tungkulin ang militar para maproteksyunan ang mga Pinoy at bayan, kaya naman dapat masigurong de-kalidad at hindi pipitsugin ang mga armas na bibilhin para sa kanila.
Iginiit ng insider na dapat malaman ng publiko ang ganitong uri ng transaksyon sa loob ng kagawaran at nararapat din umanong maibulgar kung sino ang nasa likod nito.
Kailangan din aniyang maitama ito para sa kapakanan narin ng ating mga sundalo.