PCG sasailalim sa heightened alert na para sa Barangay at SK Elections at Undas 2023
Itataas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang heightened alert para sa nakatakdang pagdaraos ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at paggunita sa Undas 2023.
Ang heightened alert ay iiral simula sa Oct. 27 hanggang sa Nov. 5, 2023.
Inatasan ni PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng PCG Districts, Stations, at Sub-Stations na paigtingin ang seguridad at safety measures sa lahat ng mga pantalan sa bansa.
Ito ay para masiguro ang pagkakaroon ng maayos na operasyon sa mga sea transport facilities, kombinyenteng pagbiyahe sa mga pantalan, pagkakaroon ng mapayapang eleksyon at pagbibigay ng seguridad sa mga turista na sasamantalahin ang mahabang bakasyon para makapamasyal.
Ayon kay Gavan, nagpapatupad na ng 24/7 monitoring sa mga nautical highways route, lalo na sa Visayas kung saan maraming tourist destination na maaaring dagsain ng publiko.
Ang Coast Guard K9 units at security teams ay magsasagawa naman ng election precinct inspections para sa BSKE 2023. (DDC)