Kampanya kontra nakalalasong lead, inilunsad ng grupong BAN Toxics kasabay ng paggunita ng International Lead Poisoning Prevention Week
Inilunsad ng grupong BAN Toxics ang kampanya nito kasabay ng paggunita ng International Lead Poisoning Prevention Week (ILPPW).
Ang nasabing aktibidad ay ginugunita taun-taon tuwing ikatlong linggo ng Oktubre sa pangunguna ng World Health Organization (WHO).
Nagsagawa ng awareness-raising events ang BAN Toxics sa pakikipag-ugnayan sa mga pampubliko at pribadong paaralan upang isulong ang “Lead-Safe Schools for Children’s Health and Safety”.
Sa isang linggong aktibidad ay hinihikayat ang mga mag-aaral, magulang, guro at komunidad na makiisa sa pagsusulong ng Toxic-Free at Waste-Free Schools sa buong bansa.
Ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics, sa ginawang pag-aaral noong taong 2021, lumilitaw na halos kalahati ng 40 milyong mga bata sa bansa ang mayroong blood lead levels na lagpas sa 5 micrograms per deciliter standard na itinakda ng WHO.
Tinukoy ng WHO, ang lead bilang isa sa sampung mga kemikal na itinuturing na major public health concern.
Katunayan, sa pagtaya ng WHO, mayroong isang milyong katao ang nasasawi kada taon dahil sa lead poisoning at karamihan dito ay mga bata. (DDC)