Resupply vessel ng AFP sa Ayungin Shoal binangga ng barko ng China
Kinumpirma ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang pagbangga ng barko ng China sa resupply vessel na kinontrata ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para maghatid ng suplay sa Ayungin Shoal.
Ayon sa NTF-WPS, nangyari ang insidente 6:04 ng umaga ng Linggo (Oct. 22) habang nagsasagawa ng regular and routine Rotation and Resupply (RORE) mission para sa BRP Sierra Madre.
Ang barko ng Chinese Coast Guard ay nagsagawa ng dangerous blocking maneuvers dahilan para mabangga nito ang resupply boat na Unaiza May 2 na kinontrata ng AFP upang maghatid ng suplay sa mga sundalo na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.
Sa parehong insidente, nabangga din ng Chinese Maritime Militia vessel ang MRRV 4409 ang gilid ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sa kabila ng insidente, sinabi ng NTF-WPS na naging matagumpay ang misyon at naihatid ang mga suplay sa BRP Sierra Madre.
Mariin namang kinondena ng NTF-WPS ang ginawa ng CCG at ng Chinese Maritime Militia.
Ayon sa NTF-WPS malinaw itong paglabag sa soberanya ng Pilipinas. (DDC)