Pagtataas ng alokasyon para sa Cancer Assistance Fund isinulong ni Sen. Bong Go
Isinusulong ni Senator Christopher “Bong Go” na maitaas ang inilalaan para sa Cancer Assistance Fund.
Iginiit ng senador ang kahalagahan na mapaglaanan ng sapat na pondo ang mga healthcare programs, gaya na lamang ng mga programang tutulong sa mga pasyenteng may cancer, tuberculosis, at mental health disorders.
“We must also give enough focus and ensure funding for our programs to address other diseases such as cancer, tuberculosis, and mental health disorders,” ayon kay Go.
Ayon sa senador, ang pondo para sa Cancer Assistance Fund (CAF) ngayong taong 2023 ay P500 million.
Sa kaniyang panukala nais ni Go na doblehin ito at gawing P1 billion sa susunod na taon.
Ikinabahala naman ni Go ang napaulat na underutilization ng pondo sa ilalim ng nasabing programa.
“Pakisilip po ninyo ito. Sa dami ng cancer patients na nangangailangan ng tulong, sigurado naman pong mauubos yan at hindi katanggap-tanggap na hindi ninyo magastos ang pondo sa pagtulong sa kanila,” dagdag pa ng senador.
Ani Go, dapat nakararating ang pondo sa mga cancer patient na nangangailangan ng tulong dahil hindi biro para sa mga ito at kanilang pamilya ang mga gastusin.
“The more na dapat po ay dagdagan natin ang pondo para sa cancer assistance fund, the more we should invest sa ating healthcare system,” sinabi pa ng senador.
Nagpahayag naman ng pagsuporta si Go sa panukalang cancer fund para matulungan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na programa ng yumaong si Secretary Susan “Toots” Ople.
Naniniwala si Go na dapat itong isulong bilang pagkilala sa mga itinuturing na modern-day heroes na nakaranas ng sakit habang sila ay naghahanap-buhay malayo sa kanilang pamilya. (DDC)