Suspensyon sa It’s Showtime at “no work, no pay” policy ng programa, magkahiwalay na isyu ayon sa MTRCB
Nakikisimpatya ang Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB sa mga empleyado ng It’s Showtime na maaapektuhan ng ipinataw na suspensyon sa noontime show ng dahil sa pinaiiral na “no work, no pay” policy ng programa.
Naglabas ng pahayag ang MTRCB dahil isinisisi sa board ang kawalan ng kita ng mga empleyado ng It’s Showtime dahil sa 12-araw na suspensyon na ipinataw dito.
Ayon sa MTRCB ang ipinataw na suspensyon ng board sa It’s Showtime at ang usapin sa “no work, no pay” ay magkahiwalay na isyu.
Naniniwala ang MTRCB na dapat mapagtuunan ng sapat na atensyon ang patuloy na pagpapairal ng contractualization sa entertainment industry.
Sinabi ng MTRCB na ang kawalan ng sweldo ng mga empleyado ng It’s Showtime habang umiiral ang 12-airing-day suspension ay dahil sa pasya ng producer o management ng noontime show na hindi i-regular ang kanilang mga empleyado kahit pa ang programa ay umeere ng live sa loob ng anim na araw sa isang linggo ng mahigit isang dekada na.
Sinabi ng MTRCB na bagaman nakikisimpatya ang boars sa mga empleyadong maaapektuhan ng suspensyon, ay kailangang gampanan ng board ang tungkulin nito.
Kabilang dito ang pagtitiyak ng ethical compliance sa broadcasting content ng mga production company o television network sa ilalim ng Presidential Decree No. 1986. (DDC)