Kampanya kontra ilegal na droga at kontrabando sa Bilibid pinaigting ng BuCor
Dahil sa maigting na kampanya kontra ilegal na droga at kontrabando ng Bureau of Correction (BuCor) na ipinapatupad sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ay nagresulta ng pagkakaaresto ng isang bisita na nagtangkang magpuslit ng 51 gramo ng umano’y shabu sa loob ng pambansang piitan.
Kinilala ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang suspek na si Jacqueline Joson na agad dinala sa kustodiya ng Muntinlupa City Police.
Ayon sa report nilagay ni Joson ang ‘shabu’ sa isang plastic at itinago sa pribadong bahagi ng kanyang katawan gamit ang electrical tape nang tangkaing dalawin ang PDL na si Joseph Francisco,kasapi ng Sputnik sa Dorm 4B ng Medium Security Compound.
Samantala habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng Special Patrol Unit sa lugar nang mapansin ang kahina-hinalang ikinikilos ng PDL na si Angelito Garcia kaya kinapkapan siya at nakumpiska ang 19 na pakete ng umano’y shabu sa bahaging baywang ng kanyang shorts dahilan upang iturn over sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Bukod dito,nakumpiska ng BuCor ang mga ipinagbabawal na gamit o item mula kina PDL Esmeraldo Zapra ng Dorm 8C3 Bldg 8, Quadrant 3 at PDL Alex Gregorio ng Dorm 5C, Bldg. 5, Quadrant 4 na kapwa nakakulong sa Maximum Security Compound.
Nakuha kay Zapra ang tatlong pirasong cellphone,limang charger,dalawang headset,dalawang pirasong USB, Memory Card at Sim Card habang 60 na pirasong sigarilyo at apat na cigar pipes ang nasamsam naman kay Gregorio. (Bhelle Gamboa)