Fuel Subsidy hindi pwedeng gamiting pambili ng ibang bagay maliban sa produktong petrolyo
Nilinaw ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na hindi maaaring gamitin ang fuel subsidy sa ibang bagay dahil nakalaan lamang ito bilang pambayad sa mga piling gasolinahan para makabili ng produktong petrolyo.
Binigyang-diin din ni Guadiz na lahat ng mga pampublikong sasakyan, maliban sa Truck-for-Hire, ay maaaring makatanggap ng fuel subsidy.
Ang halaga ng subsidiya na nakalaan para sa mga operator ng mga pampublikong sasakyan ay magkakaiba dahil nakadepende ito sa dami ng konsumo na kinakailangan ng kanilang pampublikong sasakyan.
Ang mga modern PUJ ay makatatanggap ng P10,000 na subsidiya; ang mga tradisyunal na jeep naman at iba pang PUV ay P6,500.
Ang delivery services ay makatatanggap ng P1,200 na subsidy habang P1,000 naman para sa mga tricycle. (DDC)