Grupo ng mga commuter pabor sa panukalang special law sa Road Rage incidents
Pabor ang Lawyers for Commuter Safety and Protection na magkaroon ng special law para maparusahan ang mga masasangkot sa Road Rage incidents.
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Ariel Inton, presidente ng naturang grupo ito ay upang magkaroon ng legal definition ang Road Rage at mapatawan ng karampatang parusa ang mga sangkot dito.
Sa ngayon kasi ani Inton, ang mga insidenteng nangyayari kaakibat ng road rage incidents ang mayroong karampatang parusa sa ilalim ng mga umiiral ng batas.
Kabilang dito ang pananakit, pagmumura, panunutok ng baril, at ba pa.
Kung magkakaroon aniya ng special law sa road rage, ang iba pang pangyayari kaakibat nito ay maaaring maging karagdagang kaso.
Ani Inton, kung mayroong Road Rage Act, ang insidente gaya ng kinasangkutan ng motoristang si Wilfredo Gonzales ay maaaring agad na arestuhin.
“Kung may Road Rage Act, right then and there puwede siyang arestuhin, nanutok nga ng baril eh, maraming nakakita. Pero ang nangyari, makakauwi pa, kung hindi ma-social media hindi malalaman, kapag nalaman magpapa-presscon pa,” ayon kay Inton.
Sa panig ng Land Transportation Office (LTO) sinabi ni Inton na tanging sa lisensya lamang ng driver ang sakop ng kapangyarihan ng ahensya.
Ang tanging magagawa aniya ng LTO ay ang suspendihin o tuluyang i-revoke ang drivers’ license ng isang motorista na nasangkot sa road rage. (DDC)