QC LGU magsasagawa ng imbestigasyon sa sunog na naganap sa isang bahay sa Tandang Sora na ikinasawi ng 15 katao
Nagpaabot ng pakikiramay ang pamahalaang lungsod ng Quezon sa pamilya at kaanak ng mga nasawi sa sunog sa Brgy. Tandang Sora.
Ayon sa pahayag ng Quezon City LGU, nakikipag-ugnayan na ang Social Services Development Department (SSDD) sa mga kaanak ng mga nasawi para maibigay ang karampatang tulong.
Nakahanda din ang lungsod na magbigay ng anumang serbisyong kakailanganin ng kanilang pamilya.
Samantala, inaalam naman ng Department of Building Official (DBO) at ng Business Permit and Licensing Department (BPLD) kung may kaukulang permit at dokumento pa ang pasilidad para magamit sa pagnenegosyo.
Kabilang sa tutukuyin ay kung may paglabag sa National Building Code, Fire Code of the Philippines, zoning ordinance, business permit, occupancy permit at iba pang mga batas at ordinansa.
Tiniyak ng QC LGU na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon upang mapanagot ang mga ahensya at indibidwal na nagkaroon ng pagkukulang. (DDC)