Heightened alert status pinairal ng PCG para sa pagbubukas ng klase
Itinaas ang heightened alert status sa lahat ng Coast Guard District, Station, at Sub-Station sa bansa bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.
Ayon sa PCG, kaisa ito sa sa Oplan Biyaheng Ayos: Balik Eskwela 2023 ng Department of Transportation (DOTr).
Simula ngayong araw, Aug. 22 hanggang sa Sept. 1, 2023, ay iniutos ni PCG Commandant, CG Admiral Artemio Abu, ang pagpapairal ng “heightened alert status”.
Ayon kay Abu, ito ay upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero, gayundin ang maayos, komportable, at matiwasay na biyahe sa mga pantalan.
Katuwang ang Philippine Ports Authority (PPA) at Maritime Industry Authority (MARINA), sinisiguro ng PCG na maibibigay ang pangangailangan ng mga pasahero sa pamamagitan ng “DOTr Malasakit Help Desk” na matatagpuan sa mga port passenger terminal.
Binabantayan ng PCG ang pagdagsa ng mga pasahero at operasyon ng mga sasakyang pandagat, habang mas mahigpit naman ang pag-i-inspeksyon ng mga Coast Guard Sea Marshall sa mga pampasaherong barko.
Asahan din ang karagdagang deployment ng mga Coast Guard K9 unit sa malalawak na pantalan upang maiwasan ang anumang iligal na aktibidad na mag-ko-kompromiso sa seguridad ng mga pasahero.
Samantala, nakahanda na rin ang “contingency plan for emergency responses” ng mga nabanggit na ahensya sa ilalim ng DOTr Maritime Sector upang agad na maka-responde sa anumang aksidente sa karagatan.
Aktibo rin ang mga Coast Guard personnel sa pagpapatrolya sa mga katubigang sakop ng kani-kanilang area of responsibility (AOR), kasabay ng pagtitiyak na mayroong sapat na lifeguard at safety equipment ang mga beach resort na dinadagsa ng mga turista at residente, lalo na sa paparating na long weekend. (DDC)