PCG itinangging tumanggap ng saging at P50 ang kanilang tauhan mula sa kapitan ng MB Aya Express
Itinanggi ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pahayag ng kapitan ng MB Aya Express na binigyan niya ng saging at P50 ang tauhan ng PCG para makapaglayag ang bangka sa kabila ng mga paglabag.
Nabatid sa imbestigasyon na ang MB Aya Express ay overloaded at wala ding balidong lisensya mula Maritime Industry Authority (MARINA) ang kapitan nito na si Donald AƱain.
Ayon kay Coast Guard spokesperson Rear Admiral Armand Balilo hindi tumanggap ng suhol ang PCG personnel mula sa kapitan ng bangka.
Itinanggi din aniya ng kanilang mga tauhan na sila ay nanghihingi ng anumang kapalit sa kanilang pagbabantay sa mga naglalayag na bangka sa Talim Island.
“That’s absurd. I do not think our personnel would resort to accepting banana and fifty pesos in exchange of favors. The Captain denied giving liquors to our personnel. Our personnel also denied demanding any of these items. Wala silang tinatangagap,” ani Balilo.
Umabot sa 27 sakay ng bangka ang nasawi sa insidenteng nangyari sa Talim Island sa Binangonan Rizal noong nakaraang buwan. (DDC)