Isa sa chartered supply boat ng AFP nabigong makapaghatid ng supplies dahil sa ginawang pagharang ng barko ng China
Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ginawang pagharang ng barko ng China sa chartered supply boat na magdadala sana ng pagkain sa Ayungin Shoal.
Sa pahayag, sinabi ng AFP na hinarangan ng barko ng China Coast Guard ang isa sa mga chartered supply boats at ginamitan pa ng water cannon noong August 5.
Patungo ang mga suplay boat sa Ayungin Shoal para maghatid ng suplay ng pagkain sa mga nakadestinong sundalo doon.
Ayon sa AFP ang ginawa ng barko ng China ay paglabag sa international law, partikular sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award.
Kinondena ng AFP ang hakbang na ito ng China.
Ayon sa AFP, dahil sa ginawang dangerous maneuvers ng CCG, ang isa sa mga supply boat ay hindi nakapag-diskarga ng supplies at hindi nagawa ang kanilang rotation and resupply (RoRe) mission.
Nanawagan ang AFP sa CCG at sa Central Military Commission na maging responsable sa kanilang mga aksyon para maiwasan ang miscalculations at mga aksidente na maaaring magdulot ng kapahamakan. (DDC)