Biyahe Naga-Ligao muling bubuksan ng PNR

Biyahe Naga-Ligao muling bubuksan ng PNR

Muling bubuksan ng Philippine National Railways (PNR) ang biyahe ng tren sa rutang Naga-Ligao sa darating na Lunes, ika-31 ng Hulyo.

Magkakaroon muna ng dalawang biyahe ng tren kada araw sa nabanggit na ruta.

Aalis ang unang biyahe ng PNR mula sa Ligao patungong Naga sa ganap na alas 5:30 ng umaga.
Susundan ito ng ikalawang biyahe ng tren sa ganap na alas 5:30 ng hapon mula sa Naga patungong Ligao.

Kapag dumami ang mga pasahero na tatangkilik sa rutang Naga – Ligao, magdaragdag ng biyahe ang PNR sa nasabing ruta.

Tinatayang aabutin ng dalawang oras at 11 minuto ang biyahe mula Ligao patungong Naga at pabalik, gamit ang isang Diesel Hydraulic Locomotive (DHL) na mayroong limang passenger coaches na kayang magsakay ng higit 1,300 libong mga pasahero.

Siyam na istasyon ang magiging operational para pagserbisyuhan ang mga pasahero mula sa iba’t ibang lugar sa Albay at Camarines Sur.

Kabilang dito ang mga istasyon at flag stops sa Naga, Pili, Baao, Iriga, Bato, Matacon, Polangui, Oas, at Ligao.

Magsisimula ang pamasahe sa 15 piso para sa unang istasyon, at aabot sa 105 na piso hanggang sa huling istasyon ng tren.

April 2017 nang suspendihin ng PNR ang operasyon sa rutang Naga-Legazpi dahil sa kakulangan ng rolling stock. (DDC)

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *