Mahigit 4,000 pamilya sa Albay nakatanggap ng P12,000 na emergency cash assistance mula sa DSWD
Nagsimula na ang pamamahagi ng P12,000 na emergency cash assistance para sa mga pamilyang inilikas sa Albay dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Libu-libong Mayon evacuees ang nakatanggap na ng cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang Emergency Cash Transfer (ECT) Program ay ipinatupad ng DSWD Field Office (DSWD FO) sa pakikipag-ugnayan sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Sa ilalim ng programa, bawat apektadong pamilya ay makatatanggap ng P12,330.
Ayon sa provincial government ng Albay, umabot na sa 4,334 families ang nakatanggap ng tulong-pinansyal.
Sa kabuuan ay umabot na sa P53 million na ECT payout ang naibigay ng DSWD.
Kabilang sa mga benepisyaryong pamilya ay mula sa Camalig (922 displaced families), Daraga (586 families), Tabaco City (444 families), Sto. Domingo (1,544 families) at Malilipot (838 families). (DDC)