Sen. Bong Go patuloy sa pagsusulong ng mga panukalang magpapalakas sa health sector
Patuloy ang pagsusulong ni Senator Christopher “Bong” Go, chairman ng Senate Committee on Health ng mga inisyatiba na makapagpapalakas sa health sector kabilang ang tuloy-tuloy na operasyon ng Malasakit Centers, pagpapalawig sa Super Health Centers, at ang pagtatayo ng Regional Specialty Centers.
Si Go ang principal author at sponsor ng Republic Act No. 11463 o Malasakit Centers Act of 2019 kung saan naging institutionalized ang Malasakit Centers program.
Layon ng one-stop shops na ito na masuportahan ang mahihirap at indigent patients para mapababa ang kanilang hospital bills.
Sa ngayon ay mayroong 158 na operational na Malasakit Centers sa bansa at umabot na sa mahigit pitong milyong Pinoy ang natulungan ayon sa datos ng Department of Health (DOH).
“Mayroon na po tayong 158 Malasakit Center sa buong Pilipinas na handang tumulong po sa ating mga kababayan. Para po ‘yan sa Pilipino. Gusto ko pong tulungan ang mga mahihirap,” sinabi ni Go.
Ayon kay Go na tinaguriang “father of Malasakit Centers program”, layunin ng programa na makapagbigay ng mabilis na access sa government medical assistance programs.
Matatagpuan dito apat na ahensya ng gobyerno partikular ang PCSO, DOH, DSWD, at PhilHealth.
“Pera naman ng taumbayan yan. Binabalik lang sa kanila sa pamamagitan ng mabilis at maayos na serbisyo. Kaya basta Pilipino ka, poor and indigent patient ka, qualified ka sa Malasakit Center. Lapitan niyo lang po ang Malasakit Center diyan po sa inyong lugar at tutulungan po kayo sa inyong billing,” dagdag ni Go.
Hinikayat ni Go ang publiko na huwag matakot na magpatingin kung may nararamdamang sakit.
Binanggit din ni Go ang kaniyang adbokasiya para sa pagtatayo ng Super Health Centers at Regional Specialty Centers.
Ayon kay Go, ang mga Super Health Center ay medium-type polyclinics na maaaring mag-alok ng mga serbisyo gaya ng database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic, laboratory gaya ng x-ray, at ultrasound, pharmacy at ambulatory surgical unit.
Ang iba pang serbisyo na maaaring ialok ay eye, ear, nose, and throat (EENT) service, oncology centers, physical therapy and rehabilitation center, at telemedicine.
Samantala, sinabi ni Go na naipasa na din ng Kongreso ang panukalang batas na layong magkaroon ng Regional Specialty Centers sa bansa.
Si Go ang principal sponsor ng batas at isa siya sa mga author nito sa Senado.
Hinihintay na lamang ang lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maging ganap na batas ang panukala.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang specialty centers ay ilalagay sa lahat ng DOH regional hospitals. (DDC)